Dahil sa pagnanais na umasenso, marami sa mga Pilipino ang naeenganyong magtrabaho sa ibang bansa. Sa pinakahuling tala ng Philippine Statistics Authority noong 2019, may 2.2 milyong overseas Filipino workers (OFWs). Bagamat higit sa 300,000 na OFWs ang bumalik sa Pilipinas dahil naapektuhan ng pandemya ang kanilang mga trabaho, marami pa rin sa ating mga kababayan ang naghahanap ng mapapasukan.

Ayon sa COVID-19 Job Report ng Jobstreet:

* Aalawa sa bawat limang candidates ang aktibong nag-aapply sa trabaho.
* 70% ang nag-aalala tungkol sa pagtugon sa mga pansarili at pampamilyang pangangailangan.
* 49% ang nais nang makapagtrabaho agad.  

Kung isa kayo sa mga abalang naghahanap online ng mga trabaho sa ibang bansa, dapat suriing mabuti ang mga company website ng mga potential employer. Siguraduhing lehitimo ang company profile at business address ng mga ito. Ang ibang mga job application naman, kailangang idaan sa recruitment agency. Dahil mabusisi at matagal ang proseso ng paghahanap ng mga candidate, ang recruitment agency ang namamahala rito para sa mga kliyente nilang mga kumpanya at employer.

Pero ang nakakabagabag, may mga recruitment agency na peke at nagsasagawa ng scam. Para maprotektahan ang sarili, dapat isaisip ang ilang mga katanungan bago makipag-ayusan sa anumang recruitment agency.



Masyado bang maganda ang offer ng recruiter?

Paghinalaan ang mga offer na hindi makatotohanan ang mga benepisyo,  o kaya “too good to be true.” Modus ng mga illegal recruiter ang pag-pangako sa mga aplikante ng madaliang pag-alis ng bansa, mataas na sweldo, overtime pay, at kung anu-ano pa. Lahat ng mga ito, maibibigay raw basta’t agad kang maglalabas ng pera para sa requirements.

         Paalala ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), huwag magbayad sa recruiter para sa kahit anong requirement kung wala itong maibibigay na official receipt at work contract. Huwag ring makipag-transaksyon sa fixers o ‘yung mga hindi dumadaan sa opisyal na proseso na itinalaga ng gobyerno. Kung gagastos para sa placement fee o ‘yung ibabayad sa recruitment agency para sa matagumpay nitong paghahanap ng trabaho para sa iyo, dapat hindi ito hihigit sa katumbas ng isang buwang sahod.

Sa social media lang ba lumalabas ang job vacancy na ito?

Sa e-mail at social media madalas ipinapadala ng mga scammer ang mga pekeng job vacancy. Kung sumali ka sa Facebook group ng mga naghahanap ng trabaho, laging suriin ang mga nakikitang job vacancy, lalo na sa mga pinapangarap pagtrabahuan ng nakararami gaya ng Amerika, Canada at New Zealand. Sa katunayan, naglalabas ang POEA ng babala tungkol sa mga recruitment scam sa Facebook. Para hindi mabiktima, mas mainam na huwag na lang patulan ang anumang job offer sa email at social media.

Legal ba ang recruitment agency?

Ikumpirma ang pagiging lehitimo ng job advertisement sa pagbisita sa website ng mismong foreign company na naghahanap ng empleyado. Masusing suriin ang company description, company policy, at company background.

Kung dadaan sa recruitment agency, siguraduhing lisensyado ito ng POEA na saklaw ng Department of Labor and Employment (DOLE). Para ma-check na legal ang recruitment agency, bisitahin ang POEA website o i-download ang POEA mobile app. Hanapin ang search box na “Status of Recruitment Agencies”. Pagkatapos i-type dito ang pangalan ng recruitment agency, i-click ang “search.” Dapat lumabas ang pangalan ng ahensya, address at contact information, at ang “Valid License” status nito. Kung hindi makita ang ahensiya, ibig sabihin illegal ito. Maaari ring tumawag sa POEA hotlines na 7222-1144 o 722-1155 para ikumpirma ang recruitment agency at sa iba pang mga katanungan.

Lehitimo ba ang job advertisement?

Gaya ng una nang nabanggit, umiwas sa mga job advertisement na matatagpuan sa social media at e-mail. Tumungo na lang sa mga lehitimong job portal site gaya ng WorkAbroad at Jobstreet , para masigurong lehitimo rin ang recruitment agency na a-applyan. Sa Jobstreet, maaaring piliin ang posisyon, bansa at siyudad ng nais na trabaho.

Maayos ba ang proseso at pakikitungo ng recruitment agency?

Legal man ang isang recruitment agency, maaaring hindi sang-ayon sa iyong panlasa ang kanilang customer service. Para malaman kung maaasahan ang isang ahensiya, basahin ang Agency Directory sa Workabroad. Sa pamamagitan ng mga personal na karanasan ng ibang OFWs, malalaman mo ang mga klase ng trabahong inaalok ng ahensya, ang kalidad ng serbisyo nito, at kung paano makitungo ang mga tauhan nito sa mga aplikanteng gaya mo. Maaari ring hingan ng rekomendasyon ang iyong mga mapagkakatiwalaang OFW na kapamilya at kaibigan ukol sa recruiter.

Para makaiwas sa recruitment scam, narito pa ang ilang mga paalala mula sa POEA website:

  • Huwag makipag-ayusan sa mga lisensyadong ahensya nang walang job order.
  • Makipag-usap lamang sa authorized representative ng lisensyadong ahensya.
  • Kung isinasagawa ang recruitment sa probinsya, siguraduhing may provincial recruitment authority ang ahensya.
  • Bayaran lamang ang placement fee kapag mayroon ka nang valid employment contract at official receipt.
  • Huwag sagutin ang mga ad at brochure na hinihimok kang magpadala ng application form at bayad sa isang Post Office (P.O.) Box.
  • Iwasan ang training centers at travel agencies na nangangako ng overseas employment.
  • Huwag tumanggap ng tourist visa.
  • Alamin ang mga karaniwang modus operandi ng mga illegal recruiter.

Iwasan ang mga recruiter na:

  • Humihingi agad ng medical examination kahit wala pang kontrata.
  • Hindi nagbibigay ng sapat na impormasyon tungkol sa ina-aplayan na trabaho.
  •     Nagsasabi na ang mga aplikante ay hindi na kailangang dumaan sa POEA.
  •     Walang maipakitang employment contract o working visa.
  •     Nagpapakilala na empleyado ng isang lisensyadong recruitment agency ngunit walang maipakitang ID.

Hindi biro ang pagpunta sa ibang bansa upang magtrabaho. Kailangan ng iyong masusing pagsasaliksik at pagsusuri para makaiwas sa mga recruitment scam. Ang sapat at tamang impormasyon ang magiging susi sa iyong matagumpay na pagtatrabaho abroad.

Handa ka na bang magtrabaho sa ibang bansa? Tamang-tama sa pagpasok ng bagong taon ang mga serbisyong handog ng WorkAbroad para sa mga gustong maging OFW. Gumawa ng WorkAbroad candidate profile at kabitan ito ng #WorkNow para maumpisahan na ang paghahanap ng trabaho. Para sa ibang mga payo, gabay at balita tungkol sa pagiging OFW, bistahin ang WorkAbroad blog.