Tinatawag na "Information Age" ang kasalukuyan nating panahon kung saan napakahalaga ng impormasyon sa pang-araw-araw na buhay ng tao. Mas madali na ngayon ang pagkuha ng impormasyon para sa mga kababayan nating OFWs kahit nasa abroad sila dahil sa Internet. Ngunit dahil marami na ang pwedeng maka-access, madali rin ang paggawa ng mga maling istorya kaya madaling mabiktima ang kahit sino ng fake news o false information.

Sa ngayon, napakahalaga ng pagsusuri ng bawat balita, istorya, at iba pang impormasyon lalo na sa panahon ng pandemya na kailangan ang lahat ng tao ay may awareness sa mga panukala, kalagayang pang-kalusugan, at estado ng mga trabaho.

Basahin ang ilang paraan para ma-check kung ang mga impormasyon na iyon nakikita ay totoo ba bago ito paniwalaan at i-share.

  1. I-check ang source o ang author ng impormasyon
    Tingnan kung may nakalagay na pangalan ng author sa isang balita o istorya. Kung meron, tingnan kung siya ay credible o isang eksperto, o affiliated sa kilalang media network o isang otoridad mula sa government agency. Sa social media naman, siguraduhing galing sa official page ng isang organisasyon ang impormasyon. Pagdating sa mga job opening, i-check kung ito ay galing sa mga lehitimong job posting portal at kung ito ay kabilang sa licensed recruitment agencies na maaari niyong tingnan sa POEA Website at WorkAbroad Agency Directory.
     
  2. Mag-check ng ibang source na may kaparehong istorya
    Tinatawag din itong reliability o ang pagsusuri kung accurate o tama ang isang impormasyon sa pamamagitan ng pagkukumpara sa ibang sources na nag-publish o nag-post din ng kaparehong istorya. Halimbawa, sa numero ng mga COVID-19 cases sa mga OFW, tingnang kung pare-pareho ang numero na inilabas ng bawat source lalo na sa social media. Mahalagang tingnan kung meron naiiba sa mga source na ito.
     
  3. Tingnan ang date kung kailan ito ginawa
    Ang bawat impormasyon ay nagiging “outdated” tulad ng balita na “perishable” o napapanis kaya kailangan ito ay may date para alam mo kung updated ito. Kahit sa mga trabaho kailangan malaman kung ang vacancies bang iyong nakita ay available pa o hindi na. Mahalaga rin updated ang mga impormasyon patungkol sa paglalakad ng overseas work requirements lalo na ngayong may panibagong health and safety protocols na pinapatupad ang bawat ahensya.
     
  4. Tingnan kung sumunod ito sa mga ethical standard
    Alamin kung wastong wika at mga salita ang ginamit. Tingnan din kung wala itong diskriminasyon sa mga tao o mga partikular na grupo. I-check din kung may nakalagay na ibang sources at hindi ito “plagiarized” o kinopya lamang sa iba.
     
  5. Suriin ang URL o ang link ng website
    Bukod sa pag-verify ng information, mahalaga rin i-check ang URL para alam mo kung secure ang isang website lalo na kung ito ay maaaring manghingi ng iyong personal na detalye. Dapat ito ay nag-uumpisa sa “https” kung saan ang “s” ay nangangahulugang “secure.” Maaari rin suriin ang uri ng website o ang may-ari nito sa tulong ng URL. Narito ang ilan sa mga uri:
    • .COM – For commercial use
    • .ORG – For non-profit organizations
    • .EDU – For educational institutions
    • .GOV – For government

Tandaan na kahit na sino man ay maaari nang gumawa at magpakalat ng impormasyon ngayon kaya mahalaga ang pagsusuri para ang ating mga nalalaman ay ang base sa facts at para maiwasan din ang pagshe-share ng mga maling impormasyon.