Maraming pagsubok ang pagtatrabaho sa ibang bansa kaya kasama sa modern-day heroes natin ang mga OFW. Ngayong humaharap ang buong mundo sa COVID-19 pandemic, napakahalaga na pag-isipang mabuti ang pagpasok sa ganitong klase ng trabaho lalo na kung nagbabalak ka pa lamang. Malaki ang epekto ng krisis na ito sa kabuuan ng overseas employment. Ngunit hindi dapat mawalan ng pag-asa ang mga nangangarap na makapagtrabaho sa ibang bansa. Ito ang panahon para gawin ang lahat ng paghahanda at pagpaplano para sa pinapangarap mong kinabukasan.

Pero paano nga ba malalaman kung ang pagiging OFW ang tamang career para sa’yo? Ano ba ang mga katangian na dapat meron ang isang overseas worker baguhan man o beterano na?

  1. Ikaw ay handang bumiyahe sa malalayong bansa
    Ito ay dahil depende pa rin kung saang bansa may job openings. Handa ka rin sa maaaring paglipat ng bansang pagtatrabahuhan kung sakaling may mas maganda oportunidad dito.
     
  2. Ikaw ay madaling mag-adjust
    Maraming kang pagbabagong kakaharapin dahil nasa ibang lugar ka pero ikaw ay flexible sa kultura, sa panahon at klima at masunirin sa mga batas na pinapatupad sa bansang tinitirahan.
     
  3. Ikaw ay willing makipag-interact sa ibang tao
    Handa kang makihalubilo sa mga kapwa-Pilipino pati na rin sa mga foreigner na iyong makikilala. Mahalaga ang kakayahan makipag-network sa mga tamang tao para mabawasan ang iyong homesickness at para na rin matuto ka mula sa kanilang mga karanasan. 
     
  4. Ikaw ay handang makipagsapalaran para sa iyong pamilya
    Kasama sa pagsubok ang pangungulila sa pamilya pero mas determinado ka na kumita at makaipon para sa magandang kinabukasan ninyo. At dahil alam mong magiging homesick ka, mas handa ka ring gumawa ng paraan para makausap ang iyong pamilya gamit ang video calls o chat.
     
  5. Ikaw ay may ipon o sapat na budget
    Kahit bago ka umalis ng bansa, mahalaga na may sapat kang panggastos para sa mga babayaran na requirements, fees, pati na pambili ng airline ticket. Sa oras na ikaw ay nasa ibang bansa na, makabubuti na may baon kang sapat na pera para sa pang-araw-araw na gastos, pambayad sa tinitirahan at sa utilities.
     
  6. Ikaw ay handang magsumikap at matuto
    Kaya mong magtiyaga sa iyong trabaho kahit na mahirap at maraming pagsubok. Handa ka rin matuto ng mga bagong kaalaman tulad ng wika at iba pang skills sa pagtatrabaho. Makatutulong din ito para mas madali kang maka-adjust sa pamumuhay sa ibang bansa.