Marami sa kababayan natin, OFW man o local employees, ang naghahanap ng iba’t ibang paraan para magkaroon ng pagkakakitaan dahil sa pansamantalang kawalan ng trabaho at pag-hold ng ibang deployment overseas dulot ng COVID-19 crisis. Kung isa ka sa mga nag-iisip na magbukas ng maliit na negosyo, narito ang ilang tips kung paano mo ito masisimulan.

  1. Mag-research ng produkto o serbisyo na iyong ibebenta
    Tingnan kung anong mga uri ng produkto o serbisyo ang in demand sa customers. Iresearch ang iba’t ibang businesses na nagbebenta rin nito para malaman mo kung gaano karami ang iyong competitors at kung ano ang maaaring pagkakaiba na magagawa ng itatayo mong negosyo. Bukod pa rito, makakatulong ang research para makahanap ka ng mga posibleng supplier o mabibilhan ng produktong nais mong ibenta.
     
  2. Gumawa ng business plan
    Gumawa ng business plan na magiging gabay mo mula sa pag-uumpisa at magpapatuloy ng iyong negosyo. Maaaring nakalagay sa business plan ang iyong mission o hangarin, vision o nais mong patunguhan, pangalang ng business, mga taong kasama dito, napiling produkto o serbisyo, at paraan kung paano ito ima-market. Makakatulong din ang paggawa ng business plan kung sakaling kailangan mong humingi ng funding o financial assistance.
     
  3. Alamin ang iyong budget
    I-compute kung magkano ang maaari mong gamitin bilang kapital. Gumawa ng budget plan para malaman mo ang halaga para sa pagbili ng mga produkto o supplies, expenses para sa permits na kailangan, at mga maaaring dagdag na gastos sa utilities. Kung isa ka sa mga OFW na nakauwi dito sa bansa at nais magsimula ng maliit na negosyo ngunit nangangailang ng pondo, narito ang ilang government programs and assistance na maaaring kunin.
     
  4. Mag-decide ng paraan ng pagbebenta
    Gagawin mo ba itong online business o mangangailangan ka ng small physical store? Kung magbubukas ng maliit na store, dapat isaalang-alang ang lokasyon, customers na maaabot nito, business permits, at ang pagsunod sa health and safety protocols. Para sa online, pumili ng social media network na gagamitin para i-market ang iyong produkto at para makipag-usap sa mga customer.
     
  5. Alamin ang mga business permits at registration na kailangan
    I-research ang mga ahensya ng gobyerno kung saan kailangan magregister at kumuha ng business permits at licenses. Alaming ang requirements, halaga ng babayaram at ang paraan kung paano ito lalakarin. Maaaring i-register ang iyong business name sa DTI Registration Portal. Nangangailangan din mag-register sa inyong barangay, sa Mayor’s Office, at sa Bureau of Internal Revenue (BIR). Ang mga online seller, payment gateways, delivery channels, at iba pang business na gumamit ng electronic platforms ay dapat din mag-register ayon sa BIR Revenue Memorandum Circulat No. 60-2020.
     
  6. Maghanap ng business partner
    Kung may kaibigan o katrabaho na nangangailangan ng pagkakakitaan, maaari mo silang imbitahan na maki-partner sa iyong small business. Makakatulong ito sa pagpopondo ng kapital, makakadagdag sa manpower, at pagma-market ng iyong business sa marami pang tao.

Kahit na sa gitna ng krisis, makikita pa rin ang pagiging maparaan ng ating mga kababayan pagdating sa paghahanap ng iba pang source of income. Hindi man madali sa umpisa lalo na at may pandemya pa rin, baka ito na ang oras isakatuparan ang pangarap mo na magsimula ng isang negosyo. Kung ikaw naman ay may trabaho ngunit gustong magkaroon ng sidelines, ito ang mga maaari mong gawin.