Hindi magiging kumpleto ang Pasko kapag tayo ay wala sa piling ng ating pamilya. Pero hindi ibig sabihin nito ay hindi na posible ang isang maligayang Pasko. Paano nga ba pananatilihing masaya ang Pasko — lalo na sa mga OFW? 
Kumunekta sa iyong pamilya gamit ang social media
Naging madali na ang pakikipag-usap sa sino man, sa kahit saang panig ng mundo dahil sa social media. At kung ikaw ay malayo sa iyong pamilya ngayong Pasko, gamitin ang mga apps katulad ng Facebook o Skype para kamustahin ang pamilya o iparating ang iyong mensahe. Kahit hindi man kayo nagkikita ng harapan, malaking bagay pa din sa kanila ang iyong effort na alalahanin sila sa mahalang panahong ito.
Makisama sa mga ibang Pinoy abroad
Sa libo-libong OFW mula sa iba't-ibang bansa, hindi lang ikaw ang nakakaranas ng homesickness ngayong Pasko. Kung marami kang kakilalang kapwa Pinoy sa iyong pinagbabasehang bansa, bakit hindi mo subukang lumabas kasama sila sa panahon ng Pasko? I-try ninyo na mag Christmas shopping o kaya naman ay magsalu-salo sa kainan? Kung bago ka sa abroad at wala pang gaanong kakilala, maghanap ng mga kababayan na malapit gamit ang mga Facebook groups.
Gumawa ng bagong tradisyon
Maaari namang mag-sagawa ng panibagong tradisyon tuwing Pasko. Kung hindi mo man kasama ang iyong minamahal, pwede mo naman itong gawin kasama ang mga katrabaho o kaibigan. Tandaan, hindi din kailangang maging mamahalin ang mga tradisyon. Kailangan lang ay maging malikhain ka sa iyong mga plano at gawin ito nang may puso!  
Ipakita ang Paskong Pinoy sa mga dayuhang kaibigan
Gawin naman ang panahong ito para ipakilala ang tradisyon ng mga Pilipinas sa mga dayuhan. Imbitahin ang iyong mga kakilala abroad para sa isang munting salu-salo kasama ang mga pagkaing hinahanda ng mga Pinoy tuwing Pasko—tulad ng hamon, bibingka, lechon, etc. Pwede rin naman gawin ang kabaliktaran at alamin ang Christmas celebration sa bansa na iyong pinagtatrabahuan.  
Libutin ang bansa na iyong pinagbabasihan
Hindi naman dahil nasa ibang bansa ay hindi na pwede maging memorable ang iyong Pasko. Gamitin ang oportunidad na ito upang makapag-bakasyon sa bansa kung nasaan ka ngayon. Paniguradong marami kang madidiskubre na maaari mong ishare sa iyong mga minamahal sa Pilipinas!  
Maghanap ng pag-lilibangan o hobby
Bakit hindi mo subukang humanap ng bagong hobby o passion ngayong Pasko? Halimbawa, pag-aralan ang baking at ipamigay ang iyong mga gawa sa kakilala. Nakakatulong ito sa iyong mental health at maaari mong ituro ang bagong kaalaman na ito sa iyong pag-uwi.  
Mag-volunteer sa isang institusyon
Maaari mong i-handog ang iyong serbisyo sa pagde-decorate sa mga tahanan ng iyong kakilala o kaya naman, sa mga institusyon, gaya ng hospital, paaralan, o foster homes na nangangailangan ng volunteers. Hindi lang sa pag de-decorate, kasama na dito ang pagluluto ng handa o pag-ho-host ng isang Christmas party. Isa itong magandang paraan para makasalamuha at makakilala ng ibang tao.  
Magpadala ng mga regalo sa pamilya
Matagal nang kinaugalian ng mga OFW ang mag-padala ng mga regalo sa pamilya gamit ang balikbayan box. Pwedeng i-sorpresa ang iyong mga kamag-anak ng mga munting regalo tulad ng damit, sapatos, tsokolate o mga kagamitang pambahay. Samahan na rin ito ng isang liham para mas maging personal.
Hindi dahilan ang homesickness para hindi magkaroon ng maligaya at makulay na Pasko. Kahit nasaang parte ka man ng mundo, maaari pa ding maging masaya ang Pasko kapag meron bigayan at positibong pananaw—yan ang tunay na diwa ng Pasko.
Alamin ang iba pang tips for OFWs na katulad mo para maging mas masaya at memorable ang iyong karanasan abroad. Bisitahin lang ang WorkAbroad.ph webite!