Sa employment contract nakasulat ang kasunduan sa pagitan ng overseas Filipino worker (OFW) at kanyang employer. Dito nakasaad ang mga terms and conditions ng trabaho sa ibang bansa.


Ang karaniwang nilalaman ng employment contract ay:


  1. Kumpletong address ng pagtatrabahuhan o worksite.  Tinutukoy nito ang eksaktong numero ng bahay, pangalan ng gusali, kalye, syudad o distrito, at probinsya kung saan maninilbihan.]

  2. Contract duration. Ito ay kung gaano katagal magta-trabaho sa employer ang OFW, simula sa araw ng pag-alis at matatapos sa pagbalik sa Pilipinas.

  3. Position. Kailangang malinaw kung ano ang trabaho - hsw, driver, scaffolder etc. Hindi dapat mag iba ang magiging trabaho sa ibang bansa sa nakasaad sa  kontrata.

  4. Regular working hours. Dapat nakasaad ang kabuuang oras ng trabaho sa isang araw, kung ilan ang kailangan bunuin sa isang linggo, at ang oras ng pahinga.

  5. Basic monthly salary. Kung HSW o household service worker, hindi dapat bababa sa US$400 ang sahod sa isang buwan. Maging mapanuri kung sapat ba ang magiging sweldo sa trabahong gagawin.

  6. Vacation leave, sick leave, medical and dental benefits. Karapatan ng isang OFW na magkaroon ng bakasyon at makapagpahinga kapag nagkasakit. Dapat ay malinaw din itong nakasulat sa kontrata, gayundin ang annual medical and dental exams.

  7. Free transportation. Kapag malayo ang lugar ng pagtatrabahuhan, dapat ay mayroong libreng pamasahe mula sa employer papunta roon at pabalik sa iyong tinutuluyan. Kung hindi ito maibibigay, dapat ay may katumbas na halaga ang magagastos sa pamasahe.

  8. Free food and accommodation. Karapatan ng OFW na magkaroon ng libreng tirahan at pagkain. Pero kung hindi ito maibibigay, dapat ay may katumbas na halaga o benepisyo para ma-cover ang magiging gastos.

  9. Compensation in case of work-related disablement or injury. May makukuhang halaga ang OFW kung may mangyaring sakuna o aksidente habang siya ay nasa trabaho, maliban pa sa compulsary insurance, na dapat ring nakasaad sa kontrata.

  10. Repatriation of remains and personal belongings. Siguraduhin nakasulat rin ito sa kontrata, na dapat ay sagot ng employer. Kung hindi naman maaaring iuwi ang labi ng OFW, ang Philippine Embassy o Consulate o ang pinakamalapit na kamag-anak ang hihingian ng pasya.



TANDAAN: Basahing mabuti ang kontrata bago ito pirmahan. Magtanong upang mabigyan ng linaw ang mga bagay na hindi maunawaan.